Elmira Baroña at Dominique Vicencio, Nagwagi sa “Kantahan sa Doha 2012”

Si Elmira Baroña, nagkampeon sa Adult’s Division.

Itinanghal na mga kampeon sina Elmira Baroña  sa ‘Adult’s Division’ at Dominique Vicencio sa ‘Children’s Division’ sa ginanap na “KANTAHAN SA DOHA 2012” nuong Biyernes, ika-8 ng Hunyo, 2012, sa Al-Majlis Auditorium ng Sheraton Doha Resort and Convention Center. Ang nasabing paligsahan ay inorganisa ng Pag-Iribang Bicolnon Qatar 2001 (PIBQ) sa pangunguna ng kanilang pangulo na si G. Aries Celestial at ni G. Alan Bulan na PInOC Committee Chairman sa “Kantahan sa Doha 2012″. Ang palatuntunan ay naging bahagi ng pagdiriwang ng ika-114 na Taong Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sa labing-isang (11) naging kalahok sa Adult’s Division ay nanalo si Elmira Baroña sa kanyang pag-awit ng “What A Fool Am I”. Pumangalawa naman si Kenneth Mendoza, nasa ikatlong pwesto si Rochelle Juliano, naging pang-apat si Danilo Cabactila at naging panlima si Cesar Morposa.
Nakuha naman ni Dominique “Nikki” Vicencio mula sa Philippine School Doha ang unang puwesto mula sa pitong (7) kalahok sa Children’s Division sa pag-awit niya ng “Listen”. Pumangalawa si Katrina Remorozo , pumangatlo si Beatrice Ysabella Hubalde, naging pang-apat si Jotham Leir Facto at panlima naman si Kianna Nicole Hubalde.
Naging mga hurado sa paligsahan ang mga kilalang tao sa kani-kanilang larangan, katulad nina Arch. Jhin Tabuzo, Dr. CJay Tayo, Ms. Johanne McLeod, Mr. Christopher Zaldarriaga at Ms. Evangeline Ongmanchi.

Si Dominique Vicencio, nagkampeon sa Children’s Division.

Naging mga emcee naman sa buong palatuntunan sina Ms. Vangie Valenton ng RasGas at Mr. Robert Cañete ng Qatar Steel Co.
Bagama’t maiksi ang preparasyon dahil sa iba’t-ibang di inaasahang pangyayari, naging matagumpay naman ang paligsahan dahil na rin sa pagtutulungan ng bawat miyembro ng PIBQ. Naging masaya ang lahat ng naghirap upang maisakatuparan ang “Kantahan”  sapagka’t nakita nila ang suporta  ng mga kababayang Pilipino na dumalo at naging saksi sa tagumpay ng pagdiriwang.
Maging sa pagpapahayag ng mga nanalo ay hindi magkamayaw ang sigawan ng ating mga kababayan na nagpapatunay lamang sa kasiyahang kanilang nararamdaman, at wala ni isa man sa kanila ang lumisan sa lugar na pinagdausan ng paligsahan hanggang sa katapusan ng programa.
Dahil sa mainit na suporta ng mga tao, inaasahan ng pamunuan ng PIBQ na mauulit pa ang ganitong paligsahan sa mga susunod pang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ditto sa Qatar.

Ulat ni: Alan Bulan

  • http://www.facebook.com/people/Nancy-Dela-Cruz/812845674 Nancy Dela Cruz

    Correction lang po, ang namumuno/presedente po sa ngayon ng PAG-IRIBANG BICOLNON QATAR ay si Ginoong Aries Celestial at si Ginoong Alan Bulan po ay syang Chairman ng KANTAHAN SA DOHA-2012 at dating Presedente taong 2011.

Copyright © 2013 BalitangQ - All Rights Reserved
Designed by Marcruz